Panimulang Bati
Muli’y nangati ang utak at ang mga daliri ko’y napilitang mag-ballet sa ibabaw ng keyboard ng aking sunud-sunurang laptop. Kulang na lamang at mag-Gangnam Style ang mga ito sa pagsuyo sa mga naiwang kinakaibigang letra, pananda, at numero. May apat na taon na rin kasi mula nang huli akong namitas ng mga salita’t pangungusap sa namumunga ko pang kamalayan. Ngayo’y parang tigang at nanunuyot ang diwang hindi na makaisip ng mga salitang maglalayong magpahayag ng nilalaman ng puso’t isipan ko.
Kung sana’y may mga kuwentong hindi pahirapan isulat—mga kuwentong pupulutin mo na lamang sa kanto na parang basurang nagkalat kung saan-saan—’di sana’y wala nang masasabing mental block na palagiang pamalit na dahilan sa katamaran. Gayunpaman, kung ang mga kuwento’y napupulot na parang basura, ano kayang halaga o interes mayroon ang mga ito upang makaakit ng audience na susubaybay sa bawat titik at letrang ilalahad mo bilang pangungusap o talata, gaano man karami ang maipon? Kung sana ang lahat ay kuwentong barbero o kaya’y kutsero, ’di sana’y ang mga kuwento’y parang produktong dumaraan sa pabrika—mass-produced at pre-fabricated na.
Magkagayon ma’y wala pa ring tatalo sa kuwentong talaga namang pinagdaanan—yaong mga kuwentong may pinaghuhugutang karanasan. The best stories are the real ones, ika nga. Mangyari naman kasing makakarelate ka sa totoo at sa tunay na nangyari. Sa tingin ko, diyan kumakapital ang mga manunulat ng mga soap operang patok na patok sa primetime: mapaumaga, mapahapon man, o mapagabi pa. Kalaunan, nakiiyak ang sambayanang Pilipino, nakitawa, nakipag-away sa kontrabida, at naawa sa bida. Hindi ba’t napabalita noon na ang isang paboritong kontrabida ay sinampal at pinagbabato pa ng manonood na madla dahil sa mga pinagagawa nito sa bida? Saan kaya naghihiwalay ang realidad at kunwa-kunwarian lamang sa kulturang Pilipino?
Ganyan ang kapangyarihan ng mga kuwento sa konteksto ng iba’t ibang uri ng buhay na dinaranas at pinagdaraanan ng mga Pilipino. O di naman kaya’y naliligaw lang ang sentido ng mga tao at hindi na maaninag kung alin ang kathang-isip at kung alin naman ang hindi. Kung kaya naman, isang malaking responsibilidad ang panunulat, gawa ng kakayahan nitong makapag-udyok ninuman sa reaksiyon o kaya’y paggalaw na, hindi man naaayon sa kagustuhan, ay sadyang nangyayari sa sinumang malalabuan sa pagpapahiwatig ng mga kinukuwento.
Kung kaya’t ang pagba-ballet at pagga-Gangnam Style na ginagawa ng mga daliri ko, alinsunod sa diwa kong humuhugot ng mga kuwento sa alinmang bahagi ng aking katauhang makapagpapahayag ng isang buo at makatotohanang salaysay, ay isang paalala na anuman ang maipapahayag ko rito ay sadyang akin lamang, at nawa’y hindi mapagkamaliang gawing gospel truth ninuman.
Comments
Post a Comment