Bansang Lubog sa Tubig, Bayang Lubog sa Kasinungalingan

Tuwing tag-ulan sa Pilipinas, may mga ilang bagay na siguradong dumarating: baha, privilege speeches, press conference, congressional inquiry, at Blue Ribbon Hearing. Habang ang mga mamamayan ay abala sa pag-akyat ng appliances, paghakot ng gamit, at pagsagip ng tsinelas na inaanod, may ilan namang abala sa pag-akyat ng yaman.  Talagang efficient ang flood control—ang pondo ang unang dumadaloy.

Nakakatawa sana kung hindi nakakaiyak. Bilyon-bilyon ang inilaan para sa flood control projects, pero sa unang ambon pa lang, ang kalsada nagiging infinity pool. Ang eskinita nagiging ilog. Ang barangay nagiging Venice, pero budget version—walang gondola, puro tsinelas na lumulutang.

Sinasabi nilang “completed” na raw ang proyekto. Siguro completed sa documents, sa tarp, at sa ribbon-cutting. Pero sa aktuwal, mukhang concept paper pa lang. Yung drainage system, parang seen zone lang—nandiyan daw pero walang response. Yung pumping station, mas tahimik pa sa group chat kapag singilan na.

Habang ang ordinaryong tao ay nagtataas ng sofa para hindi mabasa, may ibang nagtataas ng net worth kada bagyo season. Ang baha para sa masa ay perwisyo; para sa ganid, passive income. Kapag may bagyo, may evacuation center ang tao, pero may vacation fund naman ang iilan.

Nakasanayan na nating marinig ang linyang “under control na po.” Totoo naman—under control nga nila ang budget. Samantalang ang baha, hindi ma-control-control. Mas mabilis pang umapaw ang estero kaysa matapos ang proyekto. Minsan nga mas matibay pa ang campaign poster kaysa flood barrier.

May mga kanal na nilinis daw, pero parang nagpa-picture lang ang backhoe. May mga kalsadang bagong sementado pero unang ulan pa lang, may sariling talon na. May floodgate na hindi gumagana, pero ang gate ng subdivision ng contractor, automatic at imported pa.

Kung gusto talaga ng gobyerno ng epektibong flood control, baka pwede munang unahin na i-drain ang korapsyon, linisin ang baradong sistema, at hukayin ang katotohanan. Dahil hangga’t may mga ganid na nakaupo, kahit gaano kalalim ang kanal, mababaw pa rin ang malasakit.

Sa bansang ito, hindi lang tubig ang umaapaw tuwing tag-ulan—pati dahilan, pangako, press release, at kapal ng mukha.

Comments

Popular posts from this blog

Bakit nga ba PilyongPino?

Panimulang Bati

When Private Drama Becomes National Entertainment