Pag-ibig, Pimples, at Butiki sa Kisame

(Unang naisulat noong 1999. Muling binuhay noong 2013. Naisipang retokehin ang grammar, dagdagan ang dignidad, at bigyan ng emergency first aid ang pride ngayong 2026.)

Hindi lahat ng love story nagsisimula sa ulan, violin music, at mabagal na pag-ikot ng camera. Hindi lahat ay may sunset, holding hands sa dalampasigan, o iconic line na “Ikaw lang pala ang hinihintay ko.”

Yung iba, nagsisimula sa mas simpleng — at mas mapanganib — bagay.

Sa akin? Nagsisimula sa pimples.

Noong kabataan ko, may isang dalagang dumating sa aming paaralan — si Ching. 

Transferee. At gaya ng lahat ng magagandang transferee sa kasaysayan ng mundo, biglang nagkaroon ng unofficial national holiday ang campus. Yung mga estudyanteng dating diretso sa klase, biglang natutong mag-corridor duty. Yung laging absent? Himala, biglang regular na parang may attendance bonus.

Maganda si Ching. Hindi yung gandang kailangan pang i-explain. Iyong tipong kapag dumaan siya, pati electric fan mapapalingon at makakalimutan sandali ang misyon nitong umikot. Mestisa, maayos ang pananamit, mahinhin ang kilos, at may awra na kayang magpabago ng mga lalaki sa isang iglap — mga biglang nagiging poeta, malalim, mabulaklak, puno ng metaphors. Lahat ginagawa para lang mapansin sila.

Samantalang ako? Ordinaryong estudyante lang na parang default wallpaper ng buhay.

Kung si Ching ay mala-anghel at pang-cover ng glossy magazine, ako naman? Yung mukha ko sa school paper, ginagamit na wrapper ng tuyo’t tinapa sa canteen. Same level of exposure, different level of respect. Kung siya headline material, ako classified ads — “For Sale: Slightly used soul, slightly crumpled, slightly desperate, best offer before graduation.”

Dahil sa ganda niya, kinagigiliwan siya ng lahat — pati ng mga taong hindi dapat. Balita ko, pati si Mr. Guerrero, ang tumanda nang binatang guro namin sa Literature, ay may lihim na pagtingin kay Ching.

May ilang daang kilometro ang agwat ng edad nila. Singkwenta anyos na si Mr. Guerrero. Si Ching? Magdi-disi-nuwebe pa lang.

Sa isang klase, subject ang “Annabel Lee” ni Edgar Allan Poe, inihalintulad niya si Ching sa babae sa tula — may pakindat-kindat pa ang matandang loko. Biglang nauutal siya sa simpleng pagtawag sa pangalang “Ching,” - parang binatang first time mainlove at may stage fright. Sa walong taon ko sa paaralang iyon, ni minsan ay walang balita tungkol sa lovelife niya. Nagkakasya lang pala siya sa silent admiration na parang top secret mission.

Pero ang pag-ibig, o kung ano man ‘yun noong kabataan ko, ay hindi marunong tumingin sa statistics o probability. Basta sumusulpot na lang — parang pimples bago ang graduation picture, walang babala, walang mercy.

Noong una ko siyang makita, may nangyari sa akin na hindi ko maipaliwanag. Bumilis ang puso ko. Natuyo ang lalamunan. Nanginig ang tuhod. At kinabukasan? May taghiyawat sa ilong ko na parang gustong maging supporting actor sa kwento ko. Parang sinabi ng katawan ko: “Pare, welcome to the club.”

Sabi ng kaibigan kong si Sonito, “Pare, tinamaan ka.” 

Mukhang tama siya. Parang kidlat na tumama — walang babala, walang grounding, walang surge protector. Tulala ako nang ilang linggo, parang na-high voltage ang buong sistema ko.

Isang araw, nagkaroon kami ng pagkakataong mag-usap sa library. Tahimik. Siya lang at ako. Dala ko ang natitirang kalahating kilong tapang ko.

    Hi,” sabi ko.

Ngumiti siya.

    Hello, Kuya Carlito.”

Kuya.

May mga salitang maikli pero kayang wasakin ang pangarap ng isang binata. “Kuya” ang isa sa kanila. Parang banayad na paalala: “Uy, matanda ka na sa akin ng dalawang taon. Ano ‘tong ligaw-ligaw mo, kuya?”

Pero dahil marupok ang tao kapag in love, ngumiti pa rin ako na parang walang nasira sa buhay ko — kahit ang ego ko ay nasa ICU na.

Mula noon, naging magkaibigan kami. Nag-uusap tungkol sa school, buhay, at kung anu-anong bagay na biglang nagiging interesting kapag siya ang kaharap — pati stapler, weather, at kung bakit ang tagal mag-print ng library computer.

Isang araw, napunta ang usapan sa pag-ibig.

    Ano ba para sa’yo ang love?” tanong niya.

Marami sana akong puwedeng isagot. Love is patient. Love is kind. Love makes the world go round.

Pero dahil nakatitig ako sa kanya at biglang nag-blue screen ang utak ko, lumutang ang kaluluwa ko, at ang lumabas ay: "Love is that which makes you pregnant.”

Limang segundo siyang natahimik. Tapos tumawa nang malakas.

Ako rin, natawa. Hindi dahil nakakatawa ako, kundi dahil minsan, ang hiya ay lumalabas sa anyong tawa. Parang natural defense mechanism.

Doon ko natutunan: minsan hindi ka binibigo ng puso mo — inuunahan ka lang ng bibig mo. At ang bibig ko noon ay walang preno.

Habang tumatagal, lalo ko siyang nagugustuhan. Pumayat ako sa kaiisip. Hindi makatulog. Kapag pumikit, mukha niya. Kapag nagmulat, kisame. Kapag natulog ulit — mukha niya na naman. Parang magandang multo na may subscription sa utak ko.

Napansin niya ang pagpayat ko.

    Kuya Carlito, ang laki ng ipinayat mo. May sakit ka ba?”

Aba, concern. Sa simpleng tanong na ‘yun, parang binigyan ako ng bagong rason para maligo araw-araw at mag-ayos ng buhok.

Tapos dagdag pa niya:

     Huwag kang magkasakit ha? Mawawalan ako ng isang Kuya Carlito sa buhay         ko.”

Hay naku. Biglang nag-viral ang puso ko. Parang na-resurrect sa isang text message lang. Feeling ko qualified na akong maging tao ulit.

Kung ganito pala ang love — hindi “oo” pero may “ingat ka” — delikado pala ‘to. Minsan mas nakakakaba ang care kaysa sa outright rejection. Parang slow poison na masarap.

Dahil sa pag-asang ‘yun, naglakas-loob akong magtapat. Bumili ng tsokolate, naghanap ng rosas, inensayo ang speech nang ilang gabi. Pati salamin sa bahay, sawa na sa drama ko at mukhang gusto nang mag-break.

Lumapit ako, puno ng tapang at ilusyon, at inilahad ang lahat.

Tahimik siya. Tumingin sa akin. Tumingin sa rosas. Tumingin ulit sa akin.

Tapos, parang nawalan ng signal ang utak niya:

    Kuya Carlito… sabihin mong nagbibiro ka lang.

May mga pangungusap na hindi sumisigaw, pero kayang manapak nang todo sa solar plexus. Walang ingay, walang drama, pero parang binato ka ng semento sa dibdib. Isang simpleng pangungusap lang, pero sapat na para i-flatline ang lahat ng pag-asa ko.

    Hindi ba’t magkaibigan lang tayo?”

Ayun. Official. Na-promote ako mula secret admirer papunta sa lifetime brother zone. May certificate pa yata, pero walang party, walang consolation prize.

Walang sumakit nang araw na ‘yon… maliban sa pride, dibdib, ego, at lahat ng parte ng katawan ko na may feelings.

Umalis ako habang umuulan. Syempre. Kapag sawi, mandatory ang weather na sumali sa eksena. Naglakad ako sa kalsada na parang main character sa tragic OPM music video — basa, bugbog, walang payong, at may background music na “Kahit Kailan” sa utak ko.

Napadpad sa tulay. Sa sobrang drama, naisip kong tapusin na ang lahat. Isang hakbang na lang…

Buti na lang, hindi lahat ng naiisip ng tao ay dapat sundin. 

Yun nga lang, hindi ko namalayan ang sasakyan.

Biglang preno. Tunog ng bangga. Parang may nagluto ng katawan ko sa aspalto. Natagis ako.

Nagising ako sa ospital kinabukasan. Buhay pa, pero masakit lahat. Kahit paghinga. Kahit pag-iyak. At lalong-lalo na ang pag-alala na ang huling narinig ko bago mawalan ng malay ay ang boses niya na sumisigaw ng “Kuya Carlito!”

Masakit ang ulo. Masakit ang pride. At sa kisame, may butiking nakatingin sa akin na parang disappointed. “Tsk. Tsk. Tsk.

Parang sinasabi: “Talaga, pare? Dahil lang sa crush? Sayang ang gasolina ng sasakyan.”

Dinalaw ako ng mga kaibigan. Wala si Ching.

Si Sonito, habang inuubos ang prutas ng iba, sabi:     Pare, kalimutan mo muna ang love. Sa edad natin, inom muna.

Hindi ko sinunod ang inom, pero nakuha ko ang punto.

Noong bata ako, akala ko kapag ni-reject ka, katapusan na ng mundo. Ngayon alam ko na: hindi. Minsan, redirection lang ‘yan.

Si Ching, hindi man naging akin, naging guro siya sa paraang hindi niya alam. Tinuruan niya akong tumawa sa sarili ko, bumangon sa kahihiyan.

At higit sa lahat, tinuruan niya akong ang tunay na pag-ibig ay hindi pagsusumamo sa taong ayaw sa’yo. Ito’y ang lakas na tanggapin ang “hindi” nang buo, ang tapang na magpatuloy nang hindi nag-iiwan ng galos sa sarili, at ang tahimik na ganda ng pagngiti — kahit may maliit na kurot sa dibdib na parang nagpapaalala: “Mabuti na rin, hindi ka nagmamakaawa sa mali.”

Ngayon, kapag naaalala ko ang kwento namin, hindi na ako nasasaktan. Sa halip, may tahimik na pasasalamat na sumasagi sa puso ko. Salamat sa kanya dahil sa kabila ng lahat ng sakit at kahihiyan, natutunan kong magmahal nang buo — kahit hindi ako ang pinili. Natutunan kong ang puso ay hindi nasisira sa isang “hindi,” kundi nagiging mas malakas, mas matiyaga, at mas handang magmahal muli sa tamang panahon.

Ang personal na aral ko mula sa rejection na ‘yon?  

Ang pag-ibig ay hindi dapat gawing sukatan ng halaga ko bilang tao. Noong panahong iyon, akala ko kapag hindi ako nagustuhan ni Ching, ibig sabihin ay kulang ako — masyadong ordinaryo, masyadong “kuya,” masyadong hindi sapat. Pero ang totoo, ang rejection ay hindi parusa. Ito ay proteksyon. Ito ang paraan ng universe para sabihing, “Hindi pa ito ang tamang tao, at hindi pa ikaw ang tamang bersyon mo para sa tamang tao.”

Tinuruan nito ako na huwag ibigay ang buong pagkatao ko sa isang taong hindi handang tanggapin ito nang buo. Na dapat ayusin muna ang sarili ko bago hanapin ang “forever.” At higit sa lahat, na ang tunay na pagmamahal ay nagsisimula sa sarili — sa kakayahang tumawa sa mga kahihiyan, bumangon pagkatapos ng sakit, at maging mabuti pa rin kahit nasaktan.

Si Ching ang unang nagturo sa akin nito, kahit hindi niya sinasadya. At sa bawat pagkakataong natatawa ako sa alaala niya — kasama na ang butiking disappointed sa kisame — alam kong ligtas na ako.

Dahil siya ang unang witness ng pinakamalaking katangahan ko… at ng unti-unting pagkamulat ng aking puso.

Comments

Popular posts from this blog

Bakit nga ba PilyongPino?

Panimulang Bati

When Private Drama Becomes National Entertainment