Pekture, Pekture!

Isang social commentary sa bansang kayang gawing major event ang simpleng pagkuha ng litrato.  

May isang bagay na hindi nawawala sa Pilipino kahit mawalan ng signal, tubig, o matinong public transport—ang hilig sa pekture. 

May magic spell talaga ang salitang “Picture tayo!”

Biglang nagiging synchronized swimmers ang mga taong kanina lang parang estatwa. Yung nakaupo, biglang tumatayo na parang may national anthem. Yung nakasimangot, biglang ngiting tagumpay sa lotto. Yung mga hindi mo alam na buhay pa pala, biglang sisigla.

Sa isang iglap, lahat present. 

Hindi mahalaga kung cellphone, digicam, DSLR, tablet, webcam, o yung lumang kamerang de-film na kailangang i-wind na parang naghahanda ng granada. Ang sigurado, basta may lente, may mangyayari. 

The Great Filipino Radar System

Hindi mo pa nailalabas ang phone mo sa bulsa, may naka-pose na agad — parang may sixth sense sila na mas advanced pa sa WiFi signal. Hindi mo pa nabubuksan ang camera app, may dalawang tao nang nagsisiksikan sa gitna. Akala mo ikaw ‘yung tripod, sila ‘yung main event. Hindi mo pa nasasabi ang “smile,” may tita nang naka-peace sign na akala mo’y nasa music video ng SB19 — complete with finger heart at head tilt na parang professional idol. Kahit nasa palengke kayo at amoy isda ang paligid, feeling niya ay nasa stage na siya sa Araneta.

At syempre, laging may isang kamag-anak na gustong main character energy kahit hindi siya ang bida.

  • Birthday ng bata? Nasa gitna si Tita, parang siya ang nagpa-birthday at nagshare ng cake.
  • Binyag? Akala mo si Tita ang binyagan, ang pari, at ang Holy Spirit, siya na.
  • Graduation mo? Kita ang makintab na noo niya sa likod mo — parang sinasabi niyang “Ako ‘yung nagbayad ng tuition, kaya araw ko ‘to.”

Kung may family picture, ikaw ang supporting actor. Siya ang Oscar winner.

Flash Kahit Tanghaling Tapat

May special breed ng photographer na may tiwala sa sarili na mas malakas pa sa araw. 

Tirik na tirik ang araw, parang nasa loob ka ng microwave, pero naka-on pa rin ang flash.

Para bang sinasabi niya:     Hindi sapat ang sunshine ni Lord, kailangan ko pang dagdagan ng aking                 personal na supernova.”

Tapos lalapit pa nang sobra, naka-sideways, isang mata lang ang nakabukas, nakangiwi — akala mo siya ang model, ikaw ang props.

One… Two… Three… Hanggang Tumanda

Group picture time.     Isa… dalawa… tatlo…

Click — walang kuha.

    Wait lang, may nagblink!”

Ulit.

    Isa… dalawa… tatlo…

Click — may batang umiiyak na, may lolo nang nangangalay sa leeg, may isa nang nawalan ng pag-asa sa buhay.

Pero game pa rin ang lahat.     Last na ‘to guys… isa pa!

Sa Pilipinas, mas maraming retake sa group photo kaysa sa reporma sa gobyerno.

Wacky Pose: National Sport

Kapag sinabing “wacky naman!” lahat nawawalan ng pagkatao. 

May tatalon. May maglalabas ng dila. May hahawak sa tenga ng katabi. May magpi-peace sign sa noo.

At laging may isang seryosong tao na napilitan lang — siya ‘yung tunay na martir. Mukha niyang parang nagdadalamhati habang ang iba nagiging cirque du soleil.

Smile Kahit Ano Pang Lagay ng Ngipin

Smile!”

Natural, pustiso, braces, may butas sa gitna, may gilagid lang ang natitira — labas lahat!

Kasi habang buhay ka pa, ilabas mo na ‘yang premium smile. Pag patay ka na, formal na lang ang mukha mo sa lamay. Walang filter doon.

Stolen Shots = Legalized Character Assassination

“Natural shot daw!”

Natural na nakanganga habang natutulog. Natural na nagkakamot ng pwet. Natural na may daliri sa ilong na parang may ginagawang deep sea exploration.

Tapos i-upload with caption: “Hahaha candid!”

Hindi candid yan. Character assassination yan. 

Selfie Era: Pagsamba sa Sarili 2.0

Ngayon, isa ka nang all-in-one: photographer, model, director, lighting crew, at numero unong fan club mo.

Angle mula taas (para mukhang payat), mula baba (para mukhang chinita), sa CR light, sa elevator mirror, sa harap ng pagkaing hindi pa binabayaran.

Minsan, mas marami pang litrato ng mukha mo kaysa sa actual na naalala mo sa buong araw.

Edit Hanggang Hindi Na Kilala ng Nanay Mo

Pagkatapos kuhanan, dadaan pa sa beauty surgery:

  • Filter
  • Smoothening
  • Pampaputi
  • Pampaliit ng mukha
  • Pampalaki ng mata
  • Background na Paris kahit nasa farm ka sa Nueva Ecija

Pagkatapos ng editing, kahit nanay mo mapapaisip: “Sino ‘to?”  

Upload and Pray for Likes

Pagkatapos i-upload, magsisimula ang tunay na laban: Ang paghihintay sa likes.

Unang limang minuto: refresh. Sampung minuto: refresh ulit. Labinlimang minuto: delete kung mahina ang engagement. 

Dahil sa social media, may bagong sukatan ng self-worth: “Bakit 23 likes lang?”

Noong araw, ang problema ng tao ay hanapbuhay. Ngayon, reach at impressions na rin.  

Pero sa Huli…

Sa kabila ng lahat ng katatawanan, may maganda rin ‘to.

Dahil sa pekture, may resibo tayo na nabuhay tayo. May ebidensya ng tawa, ng kalokohan, ng “andito ako” kahit saglit lang.

Sa bansang puno ng problema, minsan ang pinakamurang therapy ay ‘yung magsabi ng “Picture tayo!” at magpanggap na okay ang lahat — kahit saglit. Minsan, litrato ang pinakamurang paraan para i-freeze ang saya. 

Kaya sige.

Labas ang phone. Ayusin ang buhok. Higupin ang tiyan. Itaas ang baba.

At sabay-sabay nating isigaw:

CHEEEESEEE!”

Comments

Popular posts from this blog

Bakit nga ba PilyongPino?

Panimulang Bati

When Private Drama Becomes National Entertainment